Sweetest Mistake

"Life offers you a thousand chances..all you have to do is to take one.."

Tuesday, October 31, 2006

Kalungkutan


Araw-araw, ako ay gumigising nang may pag-asang ang umaga ay magdadala ng kaligtasan para sa akin. Babangon ako mula sa pagkakahiga, at pipilitin ko ang aking sarili na harapin ang bagong araw. Gagawin ko ang mga normal kong mga responsibilidad na sa totoo lang ay sawang-sawa na kong gawin. Haharap ako sa mga taong tinatawag kong kaibigan at pipilitin kong ngumiti. Matapos ang maghapon, susubukan kong isipin na okay naman ang araw ko. Masaya naman. May kwenta naman. Hindi naman patapon.


Ngunit sa pagsapit ng gabi, mag-isa akong matutulala sa kwarto, mapapaupo sa ibabaw ng kama, at ako ay mangiyak-ngiyak parin sa lumbay. Parati na lamang ganon. Aakalain kong magiging masaya ako, aasa akong hindi ko na mararamdaman ang lubos na kalungkutan, ngunit matatapos ang araw nang ako ay nag-iisa na naman.


Kung tutuusin, hindi naman ganoon kabigat ang aking dinadala sa buhay. Mas marami pang ibang tao na sabihin na nating mas may karapatan na malungkot nang ganito. Sa totoo nga, hindi ko naman talaga alam kung bakit nawawala ang gana ko sa mundo. Parang may isang bola ng mga dahilan na nasa loob ko, na unti-unting kinakain ang nalalabing saya sa aking damdamin at dahan-dahang pinapatay ang aking pagkatao.


Hindi ko na alam kung saan ako tatakbo. Nakakapagod na ang maging sobrang malungkot, ngunit ito talaga ang aking nararamdaman. Naiba na nang todo ang pagtingin ko sa buhay. Nawala ang kagandahan, ang pag-asa, ang pagmamahal.


Unti-unti, nararamdaman kong ako ay napapailalim sa bitag ng kalungkutan.


At ngayon, naghahanap ako ng kaligtasan. Bago mahuli ang lahat.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home